▶ Buwan ng Wika 2009: Programa
Monday, September 21, 2009 6:38 PM
Pasalaysay na Ulat Tungkol sa Pagdiriwang ng Buwan ng Wika
Agosto 29, 2009
Isang programa ang inihanda noong Agosto 29, 2009 upang ipagbunyi ang buwan ng wika sa Naga City Science High School. Ginawang basehan ng programang ito ang temang “Wikang Filipino: Mula Baler Hanggang Buong Pilipinas,” na kung saan ipinamalas ng ilang mag-aaral ang kanilang talento habang ipinakikita ang kanilang pagpapahalaga sa pambansang wika ng ating bansa.
Ang programang ito’y pinangunahan nina Jezaniah Manaog ng ikaapat na taon at Roi Allen Cledera ng ikatlong taon bilang mga guro ng palatuntunan. Nagsimula ang nasabing aktibidad sa isang panalanging inihanda ni John Ray Billones ng unag taon at sinundan naman ito ng pag-awit ng pambansang antem. Inilahad ni Gng. Arlene Padrique, guro sa Filipino, ang pambungad na pananalita bilang representante ni G. Sulpicio C. Alferez III, punong-guro ng NCSHS.
Isang koro ng mga mag-aaral ng ikaapat na taon, ang Estadillas, sa pamumuno ni Aldrin Alcantara ang umawit ng Filipinong salin ng Sarong Banggi at Cariñosa. Agad naman itong sinundan ng katutubong sayaw na Sua Sua na ipinakita ng ilang piling mag-aaral ng ikatlong taon.
Naghandog si Aries Joseph Hegina ng ikaapat na taon ng ulat ukol sa kasaysayan ng ating wika. Kabilang dito ang pagsaad sa mga importanteng kaganapan bago pa man naging Filipino ang pambansang wika ng Pilipinas, mga taong sangkot sa bagay na ito at unting pagtalakay sa tema ng palatuntunan.
Hinandog naman ng ilang mag-aaral sa ikalawang taon ang tulang “Pilipinas ang Bayan ko,” na sinundan ng isa na namang katutubong sayaw, ang Idudu, ng ikatlong taon.
Ipinakilala naman ni Jerald Joseph San Pablo ng ikaapat na taon ang Papel at Pluma na nagsilbing simbolo ng pagdiriwang na ito. Nakasaad sa kaniyang talumpati ang kahalagahan ng mga bagay na ito sa pagpapalawak ng wikang Filipino at ang malalim na kahulugan nito sa kasaysayan ng ating wika.
Pagkatapos ay sunud-sunod na pagtatanghal ang ipinamalas ng mga mag-aaral. Ito’y binubuo ng mga sumusunod: sabayang pag-awit ng unang taon, modernong sayaw na inihandog ng A-sisters na sina Shayne Anciano ng ikaapat na taon at Kim Anciano ng unang taon, pag-awit ng kantang Kahit Kailan ni Jayrick San Buenaventura, isang panauhin ng nasabing pagdiriwang at Isang Lahi ni Charlene Manalang ng unang taon at rendisyong musikal na inihandog ng grupong Athlete’s Foot.
Natapos ang pagdiriwang na ito sa isang mensahe at pangwakas na pananalita mula sa koordineytor ng Departamento ng Filipino ng NCSHS na si Gng. Anita V. Ombao.